Sunday, July 18, 2010

Talawan

Talawan

Minsan talaga may kailangan kang abalahing tao para sa iyong biyaheng mag-isa. Para sa aking kaarawan noong taong 2006, napili kong tumulak sa Davao. Batid kong napakaraming pwedeng gawin at puntahan rito pero wala namang saysay iyon kung hindi ako maglalaan ng oras upang makipagtagpo sa isa sa mga mabubuting kaibigang nakilala ko sa Internet.

Sino nga naman kasi ang mag-aakalang magkakaroon ako ng ate sa katauhan ng
isang kapwa GIRLTALKer? Pareho kaming miyembro ng aming online Book Club noon hanggang sa halos araw-araw na kami nagpapalitan ng mga mensahe, kahit wala itong kinalaman sa Book Club. Malaki rin ang utang na loob ko sa kanya sapagkat siya ang nagdisenyo ng aking pangunahing blog. Hindi ako makakapayag na hindi kami magkita ni Love!

Bago ako tumulak, sinabi kong kailangan naming magkita at humingi rin ako ng mga suhestiyon ukol sa mga dapat kong puntahan. Bilang proud DavaoeƱo, tuwang-tuwa siya sa pagkakataong ipakita sa akin ang kagandahang naipahayag na noon ni Joey Ayala sa kanyang mga tula. Inilahad ko rin ang aking balak na mag-scuba dive tulad ng ginawa niya noon sa Samal Island. Nabanggit niya kasi na tinuruan siya noon at ilan sa kanyang mga kaibigan. Kaya naman siya na ang nag-abala upang i-enroll ako sa diving class. Talagang hindi ako makapaghintay na maisakatuparan ang balak na ito; matagal-tagal ko na ring pinaplano maging diver.

**

Pero tinablan ako ng sukdulang kaba nang palapit na ang pag-uumpisa ng klase. Isang oras din ang biyahe ng bangka patungong Samal Island. Tahimik ako at hindi kumikibo sa mga kwento ni Love. Hindi ko rin binibisita ang buffet table sa gitna ng bangka. Pilit kong nilalabanan ang mga negatibong bulong ng aking isip. Bawal ang duwag!

Nang tumigil na ito sa Coral Garden upang bigyan kaming lahat ng briefing, binalot na naman ako ng takot. Nagtuturo ang mga instructors sa Bisdak at kahit na tinatagalog naman ito lahat ni Love para maunawaan ko, hindi ko na maunawaan saan nagmumula itong pagkabilasa ko.

Hinati kami sa ilang grupo at, bilang kabilang sa ikalimang grupo, minabuti kong mag-snorkeling muna habang abala ang mga instructor sa unang grupo. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakapag-snorkel. Malamang tatapang na ako kapag nakalangoy-langoy nang kaunti. Niyakag ko si Love na mag-snorkel pero natatakot raw siya.

Ito yung isa sa mga tinuturing kong hassle sa muscle kapag may kasama ka sa biyahe. Yung mga nagpapapilit kapag wala kang gana mag-pep talk. Dahil kagustuhan niyang magpaka-daing sa tuktok ng bangka, minabuti ko na lang maglanguy-languyan mag-isa. Pwede naman siyang bumalik rito kahit kailan niya naisin.


Ito ang Coral Garden. Kinuha mula sa taas ng bangka.

Nawili ako sa kaka-snorkel at sa pagkukuha ng litrato gamit ang aking underwater camera nang may marinig akong kakaibang ingay. Hindi ko man sila naiintidihan, tumingala ako upang makita kung anong nangyayari. Nagimbal ako nang makitang napakalayo ko na. Nasa Camiguin na ba ako?!

Hindi ako nagpahalata ng aking takot. Padyak rito, padyak roon. Pero lalo akong lumalayo! Wala naman akong underwater mobile phone para makahingi ng saklolo kay Love. Langoy aso rito, langoy aso roon. Wa epek! Nauungusan pa ako ng mga kaklase kong mas malayo ang napadpad sa akin!

Hindi ko na maalala kung ilang minuto akong nagtatapang-tapangan nang bigla akong tangayin sa tenga ng isang dive instructor. Alam na pala nilang malakas ang current sa Coral Garden at napagdesisyunan nilang magklase na lang sa Mansud Wall.

Hindi ko matignan si Love nang makaakyat ako sa bangka. Alam kong nag-alala siya sa akin pero parang inaasahan kong marinig sa kanya ang "Beh, buti nga!"

Hindi nagtagal at nakarating na kami sa Mansud Wall. Nakuha ko na ring mahikayat si Love na magtampisaw muna.


Kami ni Love.

Nang oras na namin para turuan ng dive instructors, hindi ko na naman mapigilan ang kabahan. Maaaring naihi pa ako sa sobrang tensyon. Malamang walang pumapasok sa kukote ko habang pinapaliwanag nila ang mga dapat tandaan dahil nakakabingi ang tambol ng dibdib ko. Pero nakaramdam ako ng katahimikan nang lumusong na kami ng instructor ko. Totoo pala ang mga narinig ko: mapayapa ang pakiramdam sa ilalim. Subalit panandalian lang ito. Nilabag ko nang paulit-ulit ang kanilang habilin: Don't panic!

Nararamdaman ko kasing pumapasok ang tubig sa ilong ko at agad akong umaahon upang makahinga nang maayos. At kahit mga nakangisi o umiiling na mukha ang tumatambad sa aking paningin sa bawat pagkakataon na ginagawa ko ito, hindi ko magawang itago ang mukha ko sa pusod ng dagat. Malulunod ako! At walang gustong mamatay sa kanyang kaarawan!

Nakakabilib man ang pasensya ng dive instructor ko, hindi ko talaga magawang sumisid. Hindi na ako umangal pa nang sabihin niyang babalikan niya ako. Tatapusin muna ang lahat ng mga estudyante at saka nila ako tututukan. Nakakahibang ang ginhawang naramdaman ko. Dumoble ata ito nang mabalitaan kong hindi rin pala nakasisid si Love. Magsama ang mga talawan (duwag sa Bisdak)!

Sa ilang sandali pa, hinanap na muli kami ng mga dive instructors. Nang mabatid kong LAHAT ng kaklase ko ay nakatunghay sa akin, halos lunurin ko na ang sarili sa pagtago. Hindi nakakatulong na hindi ko nauunawan ang kanilang mga sinasabi.

Mas naging madali para sa akin ang maging kalma sa pangalawang pagkakataon. Nakita kong nadaanan ko na ang dulo ng aming bangka. Marahil mga limang talampakan din iyon.



HINDI ako iyan. Pero ako ang kumuha ng litratong iyan. O, diba?

Sa aking gulat, sumenyas ang aking instructor na umahon kami. Masyado palang mahigpit ang aking pagkapit sa kanyang kanang kamay. Nagkakamali pala ako sa akalang kalmado na ako at handa nang pumailalim pa. Paano nga naman mangyayari iyon kung hindi ako makabitaw sa kanya?

Pinatambay niya muna ako sa gilid ng bangka. Pagbalik niya, pinakita niya ang isang clownfish sa gitna ng kanyang mga palad at pinakilala ako kay Nemo. Todo puri siya sa angking kagandahan nito. Tumango na lang ako, kahit halos maiyak na ako sa sama ng loob. Kung hindi ko nga naman kayang sumisid, sila na lang ang palapitin sa akin!


Ito ay kuha ng isa sa aming dive instructors. Matatagalan pa bago ako makakuha ng ganitong litrato.

May nakausap akong nagturan na kailangan ko lang masanay lumangoy para maging kampante ako sa tubig. Doon raw nagmumula ang aking pangamba. Wala nga naman kasing maitutulong ang pinagmamalaki kong husay ko sa pag-backstroke kasi hindi ko naman hinaharap ang tubig. Tama, dapat akong mag-swimming classes uli saka mag-scuba dive class. Kapag lisensyado na ako, pwede na akong bumalik sa Samal Island upang mag-dive!

***

Sa madaling salita, bigo ako sa aking balak mag-scuba dive. Buti na lang alam ni Love kung saan dapat dinadala ang mga emotional eaters na tulad ko.



Pagdating namin ni Love sa Matina Town Square, dinala niya ako sa Aling Foping's Halo Halo. Sabi niya, pwede akong mamili ng mga sahog para sa aking halo halo. Naibigan ko naman ang ideyang ito, wala kasi akong hilig sa pinipig at kamote pag sinasama sa halo halo. Ang pinakamaganda pa rito, may ginagamit silang makina para sa crushed ice. Hindi naging mahirap ang pagtunaw nito at nakatulong pa para maging katuwa-tuwa ang aking halo halo experience.


Ang aking halo halo!


Sinong malungkot?