Ikatlong Bisita sa Boracay?
Naku naman, huli na naman ako sa balita! May pakulo na naman pala ang Seair para sa bloggers na tulad ko! Bale ipapaliwanag mo lang kung bakit karapadat-dapat kang manalo ng pagkakataong makarating sa Boracay, may pagkakataon ka nang manalo ng libreng lipad sa pamamagitan ng Seair at libreng paglagi sa Microtel sa loob ng 3 araw. Ang saya, diba?
Kung papalarin akong mapabilang sa mga 8 magwawagi, ito na ang magiging pangatlong pagkakataon kong makarating sa Boracay. Taong 2005 pa nang huli akong makapunta sa kamangha-manghang islang ito. Tulad nang naidetalye ko na rito at rito, tunay na naging masaya ang aking naging bakasyon mag-isa noon. Hanggang ngayon ay nag-uumapaw ako sa pagpapasalamat sa adventure
pass ng Seair dahil hindi ko iyon makakamit kung wala silang ginawang paligsahan noon. Subalit sadyang maikli at nakakabitin ang isang araw (para sa aking unang pagtungo) at lalo na ang anim na oras (para sa aking huling bisita); hindi niyo ako masisisi kung maghangad akong manalo uli. 3 araw! Pwedeng-pwede!
Bukod pa rito, kakaibang karanasan din kung may makakasama naman ako sa biyaheng ito. Inaamin kong naging mahirap para sa aking tanggaping mag-isa lang ako sa aking unang pagbisita sa Boracay noon. Inaasahan ko kasing walang katulad sa ganda ito, kaya naman higit pa akong sasaya kung may kahati sa karanasang ito. Saka, nakita niyo naman siguro kung gaano kadaling kalimutan ang mga litrato ko noon sa unang at pangalawang pagkakataon ko sa Boracay. Camera phone lang ang gamit ko noon, kaya paumanhin kung ganyan kaliit ang resolution. Hindi na iyan mauulit kung may mga kasama na akong masipag magkuha at magpakuha ng litrato (hindi ba't ganyan naman talaga ang mga bloggers?). Nanghihinayang kasi talaga ako sa mga litrato ko noon.
Matagal na rin akong miyembro ng grupong "Boracay" Please, NOT Bora sa Facebook. Lubos kong ikatutuwa kung magkakaroon ako ng pagkakataong makilala ang punong-abala nito. Sa Boracay mismo kasi sila nakalagi. Minsan may mga pagpupulong at aktibidades sila tulad ng paglilinis na hindi ko magawang puntahan dahil
sa distansya nito. Napapanahon ding magsadya upang magpakita ng suporta lalo na't may bagong isyu roon ngayon. (Nga pala, sumali ka na rin sa fanpage ng Seair! Para agad mo ring masagap ang mga balita ukol sa kanila!)
Bilang miyembro ng Postcrossing at Postcard Club ng Couchsurfing, hinahangad ko ring magpadala ng mga postcards mula sa Boracay mismo. Alam naman nating tanyag din sa ibang bansa ang Boracay, alam kong maiibigan nilang makita ang pinong buhangin nito, kahit sa larawan lang.
[Ayan, heto na ang sandaling magdadrama ako tila kalahok ako sa nasirang Wowowee]. Umaapila ako sa inyong mahabaging loob na bigyan ako ng pagkakataon makabalik sa Boracay. Ang aking maikling pagbisita sa Potipot Island sa Zambales noong Mayo ang aking maituturing na huling bakasyon. Bago nito, Mayo nang nagdaang taon ang huling pagkakataon kong magliwaliw sa dagat. Nagtungo kami ng aking mga halo-halong kaibigan (ibig sabihin, pinagsama-sama ko ang ang isang kaibigan noong high school pa, isang dating ka-opisina at isang ka-opisina ko nang sandaling yoon) sa Camiguin at Cagayan de Oro. Nalulungkot akong isiping dumadalang na ang aking mga paglibot sa Pilipinas. Daig pa ako ng aking mga lagalag na manika tulad nina Raya, Djin Djin at Lunah!
Wednesday, August 18, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)