Tuesday, August 4, 2009

Pananaliksik sa Ifugao

Pananaliksik sa Ifugao

Bilang paghahanda sa aking papel paglilinang para sa klase ko sa Sosyolohiya, naisipan kong magtungo sa Ifugao at pag-aralan ang isang organisasyong nangngasiwa ng kanilang turismo. Nais kong alamin ang kanilang paraan upang palaganapin ang pagpapahalaga sa lokal na turismo ng Cordillera. Nabiyayaan ako ng pagkakataong makapanayam ang bagong gobernador ng Ifugao, Gob. Ted Baguilat, para sa aking kabilang klase ukol sa mga tanggapan ng pananaliksik (research firms) sa Ifugao. Nang madako ang usapin sa usapin sa turismo, nabanggit niya ang isinasagawang heritage tourism kung saan ang mga turista ay magkakaroon ng pagkakataong libutin ang pamayanan, makasalamuha ang mga taga-nayon, masilayan ang tanyag na hagdan-hagdang palayan at maranasan ang mga gawain ng mga magsasaka. Idinagdag niya rin ang makapigil-hiningang river rafting sa Chico River.

Nakipag-ugnayan ako sa Save The Ifugao Terraces Movement (SITMo) upang makilahok sa kanilang mga packaged tours. Sa aking pagkonsulta sa aking guro, pinaalalahanan niya akong masyadong pang-turista ang aking naiisip na pamamaraan. Bukod pa rito, masyadong malayo ang Ifugao kung sakaling kailangan kong bumalik upang dagdagan ang aking pananaliksik. Pero wala raw makakapigil sa akin kung gusto kong ituloy. Gawin ko na lang itong pagkakataon upang alamin kung ano talaga ang matingkad na konsepto na lulutang sa karanasang ito. Naunawaan ko ang kanyang mungkahi.

Matagal ko ring pinagdamutan ang sarili kong magbiyahe upang makapag-ipon para sa aking oral surgeries at negosyo. Idagdag pa natin ang pagod ko sa pagsasabay ng trabaho at pag-aaral. Nangungulila na ako sa sariwang hangin na sa kabundukan ko lang nalalanghap! Atat na rin akong makapag-river rafting! Siyang tunay, walang makakaawat sa aking tumulak sa Ifugao upang magkaroon ng “sembreak within the sem”.

***

Nagkasundo kami ni Cricket, isang boluntaryo para sa SITMo, na magtagpo sa istasyong Autobus sa España sa ganap na ikawalo’t kalahati ng gabi. Hindi pa kami nagkikita, nagpapalitan lang kami ng mga mensahe sa text ukol sa mga detalye ng biyahe. Siya na rin ang bumili ng aking tiket.

Maaga akong dumating. Hindi ko pa kasi natutunton ang naturang istasyon kaya naglaan ako ng karagdagang oras kung sakaling ako ay maligaw. Hindi ako nagkamali. Binaba ako ng unang dyipni na nasakyan ko mula sa Philcoa sa maling istasyon. Nagtanong ako sa matandang lalaki na nadatnan ko at binigyan niya ako ng direksyon.

Minsan ko nang tinanong si Nilo, ang boluntaryo na nakabase mismo sa Kiangan, kung maaaring sa istasyon na lang ng Autobus sa Kamuning ako magtungo. Mas pamilyar kasi ako roon; minsan na kaming sumakay ng mga kaibigan ko roon patungong Batad. Hindi ako masyadong maalam sa Maynila. Ipinaliwanag naman ni Nilo na sa España lang ang diretsong biyahe sa Kiangan.

Sa wakas natunton ko ang naturang istasyon. Binaba talaga ako ng tsuper at itinuro sa akin na nasa loob ito ng eskinita. Malapit ito sa Unibersidad de Santo Tomas (UST). Maliit lamang ito kumpara sa aking inaasahan. Hindi ako nagulat nang makitang maraming tao. Biyernes noon kaya malamang maraming pauwi o papunta ng Kiangan. May mga babaeng maraming dala, malamang ito’y kanilang pag-aari o mga bagay na maaaring ibenta. Karamihan naman ng mga lalaking nakita ko ay nakikipag-usap sa kanilang kasama; ang ilan ay abala sa panonood ng telebisyon at naninigarilyo. May mga nakita rin akong grupo ng mga Koreano. Tulad ng parati kong nasasaksihan noon sa pamantasan ng De La Salle sa Dasmarinas at sa mga bakasyon ko sa Cebu, Mindoro at Baguio, para silang may sariling mundo at nag-uusap sa malalakas na tinig. Tila wala silang interes makisalamuha sa mga Pilipino. May mga batang naghahabulan sa loob ng istasyon, mayroon namang tahimik lamang sa piling ng kanilang mga magulang. Natutuwa ako sa mga batang sanay nang magbyahe sa murang edad. Naalala ko ang aking sarili noon; ilang baranggay o bayan muna ang dinaraanan bago makarating sa paaralan. Maraming nagtataka na dumarayo pa ako at maraming nagsasabing nakakapagod ang aking binabiyahe. Sa aking palagay, nagsilbi itong pagsasanay sa mga mas malalayong biyahe tulad ng aking tatahakin ngayon.

Bumili ako ng malaking bote ng mineral water bago umupo sa mga nakalaang upuan para sa mga pasahero. Sampung oras din ang biyahe. Hindi talaga ako natulog buong maghapon pagkagaling sa magdamagang trabaho upang makatulog lamang ako buong biyahe. Nagsaliksik ako sa aklatan buong umaga at nakipagkwentuhan sa aking kasama sa dormitoryo bago naghanda sa aking biyahe. Habang naghihintay kay Cricket, nagpalipas ako ng oras sa pamamagitan ng pagte-text sa mga kaibigan. Alam halos lahat nila ang aking balak tumulak sa kabundukan mag-isa. Karamihan ay naiinggit; gusto na rin nilang takasan ang usok at ingay ng siyudad. Mayroon namang patuloy na nag-aalala kahit alam nilang naranasan ko nang magbiyahe mag-isa rati. Nakaugalian ko nang ipaalam kay Mama kapag ako ay nakakarating na sa opisina. Dahil hindi naman ako pupunta sa opisina nang gabing iyon, minabuti kong hindi mag-text sa kanya. Tinatablan pa rin ako ng konsensiya sa bawat pagkakataong hindi ko ipinapaalam ang aking mga biyahe o totoong kinaroroonan. Inaasahan ko nang magte-text siya kinabukasan upang alamin bakit hindi ako nag-text kung nakarating ako sa opisina o kaya’y tatanungin ako nang personal pag-uwi sa bahay sa Linggo. (Tumitigil ako sa dormitoryo sa buong linggo at umuuwi sa aming bahay sa Bacoor, Cavite kapag Linggo.) Doon na lang ako tutugon ng kabalintunaan. Hindi ko naiibigang magsinungaling subalit lagi akong kinokontra ni Mama sa mga biyahe ko. Delikado raw kasi at mas mainam kung gamitin ko na lamang ang pera na gagastusin ko sa ibang mas mahalagang bagay. Hindi niya nauunawaang mahalaga para sa akin ang bakasyon. Ayokong umpisahan ang aking paglalakbay ng may negatibong isipin tulad ng panganib. Ganyan ang parating pangaral ni Mama. Mas mabuting malaman na lamang niya ang tungkol dito pagkauwi ko. Wala na siyang magagawa pa.

Lagpas ika-siyam na ng gabi pero wala pa si Cricket. Nag-text siyang mahuhuli siya at manggagaling pa siya ng Makati. Tumugon akong nauunawaan ko at inilarawan ang sinusuot ko. Lumipat ako ng upuan matapos akong mapaligiran ng mga Koreano. Hindi ko matagalan ang kanilang ingay. Hindi ako masyadong komportable sa aking nilipatan sapagkat may kasikipan ito pero mas katanggap-tanggap na iyon kaysa dati. May namataan akong tatlong babae na masayang nag-uusap at kumakain ng sandwich habang buhat-buhat ang kanilang naglalakihang backpack. Sa aking palagay, mas nakakatanda sila ng kaunti. Maya maya’y naglaho sila sa harapan at muling makikita ko sa likod ng istasyon. Naisip kong gumalaw-galaw sapagkat sampung oras din akong uupo. Marami-rami rin ang nagbabala sa aking hindi kumportable ang mga upuan sa Autobus. Minabuti kong tumayo at maglakad-lakad habang naghihintay.

Makalipas ang ilang sandali, nakatanggap na ako ng mensahe mula kay Cricket na nasa istasyon na rin siya. Binanggit niya rin ang suot at dala niyang bag pero nauna siyang mahanap ako. Paglulan namin sa bus, agad niya akong pinakilala sa ibang turistang kasama sa tour. Sila ang tatlong babaeng nakita ko kanina. Magkatabi sina Jenna at Tina. Bakante naman ang upuan sa tabi ni Melai. Naupo na si Cricket sa unahan. Pumayag naman si Melai na umupo ako sa tabi niya. Napag-alaman kong nagkakilala silang tatlo sa kani-kanilang mga bakasyon at, kapag walang maaaring sumama sa kanilang para magbakasyon, niyayakag nila ang isa’t isa. Tinatangka pala nilang kumpletuhin ang mga tour ng SITMo. Ito ang aking unang pagkakataong sumali. Nagulat si Melai nang malamang uuwi na ako pabalik kinabukasan. Sumang-ayon si Cricket na akala niya nagkamali siya ng dinig sa tinuran kong uuwi rin ako kinabukasan bago kami sumakay ng bus. Ipinaliwanang kong hindi ko tatapusin ang tour ng SITMo sapagkat magri-river rafting ako sa kabilang ibayo ng Ifugao. Kailangan ko ring bumalik agad kasi may pasok na muli sa Lunes. Walang “holiday” na sinusunod ang call center.

Hindi naman nagulat si Melai nang malamang mag-isa lang ako sa biyaheng ito. Siya man ay nagbabiyahe mag-isa. Ang pinakahuli niya ay ang paglibot sa Batanes na itinuring niyang regalo sa sariling kaarawan. Namangha ako nang marinig ito. Isang paraiso ang Batanes! May sumpa ako sa sarili na hangga’t hindi ko nararating ang Batanes, hindi ako puwedeng magtungo sa ibang bansa. Marami akong katanungan ukol sa kanyang karanasan. Nang nagtagal, namataan ko na siyang nakapikit kaya hindi ko na siya ginambala pa. Nilingon ko sina Cricket at ang dalawang babae. Mahimbing na rin ang kanilang tulog.

Isang parusa para sa akin ang pagtulog. Hirap na hirap akong makahanap ng tulog, kahit na puyat at pagod ako tulad ng gabing iyon. Tulad ng inaasahan, maliit ang espasyo para makagalaw ang aking mga binti. Hindi ko rin mai-recline ang aking upuan. Naramdaman ko na rin ang lamig ng air conditioner. Nagtalukbong agad ako sa aking hooded jacket at ipinikit ang aking mga mata. Inisip kong kailangan ko ng lakas sa pag-akyat ng bundok bukas. Nakatulog naman ako. Subalit maya-maya ay naaalimpungatan ako. Ang pinakamasaklap ay nagising na talaga ako nang sumikat na ang araw. Hindi na ako makatulog uli. Tinatayang dalawang oras pa ang tinagal bago namin narating ang aming destinasyon. Nanghinayang ako sa pagkakataong matulog.

Dahil gising na kaming lahat bago pa dumating sa aming destinasyon, sinabihan kami ni Cricket na malapit na kaming bumaba. Nauna siyang bumaba at sumunod kami sa kanya. May dyipning nag-aabang sa labas. Sinalubong kami nina Nilo at Jonathan. Dahil magkakakilala na sila, naging mainit ang kanilang kamustahan. Nilapitan naman ako ni Nilo upang tanggapin ako sa Kiangan. Nagpasalamat ako at nagwikang natuwa akong marating ito. Simoy pa lang ng hangin ang nalalanghap ko, iba na agad ang aking pakiramdam. Nawala ang pagod at puyat! Hindi nagtagal at pinasakay na kaming lahat sa dyipni. Dadalhin kami nito sa opisina ng SITMo. Ang sarap ng paghampas ng hangin sa aking mga pisngi! Ang lamig at ang presko. Nakangiti ako habang nagpadala ng mensahe sa aking mga kaibigan upang ipaalam na nakarating ako ng Ifugao nang mapayapa at inggitin sila sa uri ng hangin na tinatamasa ko sa kasalukuyan.

Pagdating namin sa opisina, pinaakyat agad kami sa aming silid sa pangalawang palapag. Ang tanggapan, kusina at hapag-kainan ay nasa unang palapag lahat. Maraming single beds ang tumambad sa aming paningin. Karamihan sa kanila ay wala pang kobre kama kaya nagtungo kami sa mga kamang mayroon. Parang mga batang hindi nakauwi ng isang linggo, sabik kaming humilata sa napili naming kama. Matapos nang matagal-tagal na pagkakaupo, nag-unat ako habang nakahiga. Nanatili akong nakahiga habang nakikinig sa kanilang pag-uusap habang naglalabas ng mga naka-impakeng gamit. Nabatid kong linggo-linggo sila bumabiyahe. Mapapansin din sa kanilang mga bag, sapatos at digital camera at iba pang gamit na talamak sila sa paglalakbay. Sinariwa rin nila ang kanilang mga biyahe, maging ang mga bagay na natutunan nila. Hindi ko pa nararating ang ilang lugar na binanggit nila tulad ng Batanes, Romblon at Siquijor kaya naman wala akong maibahagi sa usapan. Nakaramdam ako ng inggit; nilalayon kong makapagbiyahe nang madalas upang malibot ang buong Pilipinas at mas makilala ang ating bansa.

May narinig kaming katok sa labas. Mag-almusal na raw kami, pagkatapos nito ay magtitipon na ang lahat upang ihanda kami sa nakatakdang aktibidades. Bigla naming naalala ang layuning maghilamos at maligo. Napaisip naman ako kung maliligo pa ako. Matagal kasi ako maligo. Ayokong maging patagal at baka mainip pa ang ibang turista. Nagkasya na lang ako sa hilamos at pagsipilyo. Kumpara kina Melai na dumiretso sa istasyon ng Autobus pagkatapos ng maghapong trabaho, nakaligo naman ako bago tumulak sa Ifugao. Ang ginhawa ng pagligo nang walang inaalalang oras ay isa sa mga bagay na dapat isakripisyo kapag may kasama sa biyahe, lalo na kung hindi naman masyadong matalik ang relasyon ko sa aking mga kasama. Kailangang makisama.

Nag-umpisa nang kumain ang ibang kalahok nang pumanaog kami. Hiwalay ang mesa ng pagkain sa hapag-kainan naming lahat. Nang lumapit kami sa hapag-kainan na dala ang aming mga plato, umurong ang mga kasalukuyang kumakain upang mapaupo kami. Katapat ko sina Melai. Isang banyaga naman ang katabi ko. Dahil tipikal sa mga Pilipino na usisain ang isang dayo, pinaulanan siya namin ng mga tanong. Si Ivana ay pinanganak sa Amerika, lumaki sa Canada pero kasalukuyang nag-aaral ng Antropolohiya sa Scotland. Pinili niyang aralin ang kondisyon ng Pilipinas at ang maitutulong ng antropolohiya sa pag-unlad ng lipunan bilang kanyang thesis. Mag-isa lang siyang nagtungo sa Ifugao pero sinamahan siya ng kanyang ama na naghihintay sa kanya sa Baguio. Hindi naging maganda ang karanasan nila roon sapagkat inabot sila ng malakas na ulan. Hindi na nalibot ni Ivana ang Baguio bago lumisan patungong Ifugao. Napag-alaman ko ring ilang araw na niyang sinasagot ang mga tanong na ito. Nauna pala siya sa amin ng dalawang araw. Napansin ko ring may piercing siya sa loob ng kanyang bibig na tila naka-angkla sa kanyang gilagid. Hindi ako naglakas-loob na magtanong ukol dito. Masakit yata iyon. Hanggang dila lang ang kaya ko.

Inamin kong kumukuha ako ng inspirasyon para sa aking sariling papel paglilinang kaya ako napadpad doon. Marahil natuwa siya na may kapwa siyang estudyante, nagpakuwento siya ukol sa aking pag-aaral. Sinabi kong Communication Research ang kurso ko pero interesado talaga ako sa antropolohiya. Dahil nalilimitahan ako sa aking natututunan ukol sa etnograpiya sa aming kolehiyo, pinili kong kumuha ng mga electives sa Antropolohiya at Sosyolohiya. Wala pa akong konkretong ideya para sa aking thesis pero inaasahan ko na agad na may lapit sa antropolohiya ang aking saliksik. Pumayag naman siyang bigyan ako ng sipi ng kanyang papel, sabay pa nga kami sa pagsabi ng “Related Literature!” at nagtawanan.

Nang matapos na kaming kumain, dinala namin ang aming mga plato sa kusina. Inako ko ang pag-urong ng pinggan subalit, ayon kay Nilo, may boluntaryong nakatakda para sa gawaing iyon. Maghanda na lang daw kami para sa nalalapit na pagpupulong ng mga turista. Nagpaalam na ako kay Ivana at muling umakyat sa aming silid. Dito ko hinanda ang mga gamit na dadalhin sa palayan at kung anu-ano naman ang iiwan. Napansin kong nasa panaganib na maubusan na ng baterya ang aking cellphone. Hindi naman ako nabahala, hindi naman ako pala-text kapag nasa bakasyon. Sa katunayan, ayokong nakikita ito. Nagsisilbi lamang itong alaala ng mga bagay na tinakasan ko. Subalit kailangan ko pa rin ng baterya, kung sakaling may sakuna o suliraning hindi inaasahan, makakatawag ako sa mga kaibigan ko sa kapatagan.

Hindi nagtagal at tinipon na kaming lahat. Nagpakilala kami sa isa’t isa. Ipinaliwanag ang layunin ng organisasyon. Binigyan kami ng sipi ng mga magiging kaganapan sa buong linggo. Tunay na makakatulong ang mapa ng Ifugao na nakalakip dito. Nakaramdam ako ng kaba nang mabasang pamumundok ang unang gagawin matapos ng almusal. Matagal na akong walang ehersisyo, maliban na lamang sa halos araw-araw na pag-akyat ko sa mga hagdan ng istasyon ng MRT Ayala at pagpanaog ko sa Liwasang Palma para sa aking klase kada Huwebes. Ang bakasyon ko sa Batad at Sagada pa noong Nobyembre ng taong 2005 pa ang huli kong akyat. Dahil kaarawan ko noon at mga matatalik kong kaibigan ang mga kapiling ko, maaari akong humingi ng pahinga sa paglalakad kung kailan ko man naisin. Nagduda akong posible ito sa pagkakataong iyon. Sinulyapan ko ang ibang kalahok at lalo akong napalunok sa kaba. Matitipuno sila, armado ng mga kagamitan at mga mamahaling kamera.

Nalungkot naman ako nang mabasang bukas pa magaganap ang pagtatanim ng mga halaman. Nakauwi na ako sa dormitoryo ko nang ganoong oras. Matagal ko nang ninanais makasama sa mga ganoon!

Matapos ng pagpupulong, maliksi kaming sumakay sa dyipni sa labas. Susundan ko sana si Ivana sa taas (topload) ng dyipni subalit napansin kong wala nang bakante. Sa loob, naroroon na sina Melai at isang grupo na tila mga photograper. Katabi ko naman ang isang boluntaryo na natandaan ko sa kusina. Nagkukulitan sina Melai noon at totoong nakakaaliw silang panoorin. Pero nanatiling mailap ang babeng katabi nila. May pagkakataon pa ngang tila naiinis na ito sa kanila. Mukha naming hindi ito napapansin nina Melai. O sadyang hindi sila nagpapaapekto?

Hindi ako sanay makakakita ng ganon. Sa aking karanasan, palakaibigan parati ang isang manlalakbay sa kanyang kapwa manlalakbay. Mas madali makipagkilala sa ibang tao sa mga ganitong pagkakataon. Iba rin talaga ang ugnayan kapag magkapareho ng interes. Naisip kong marahil iba ang dahilan ng babaeng ito upang sumama sa ganitong tour. Habang ang nakararami ay naroroon upang makalanghap ng sariwang hangin, makatulong sa kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim o mapagyaman ang kanilang karanasan, posibleng tumulak ang mga tulad niya roon upang mag-uwi ng magagandang litrato para sa isang publikasyon. Bigla kong naalala ang aking papel paglilinang. Subalit masyado akong masaya upang makaramdam ng pangamba.

Nakita kong nagpahid ng sunblock lotion si Tina. Nainis naman ako sa sarili ko, nalimutan kong dalhin ang sarili kong sunblock lotion maging ang aking insect repellant lotion. Sinundan naman siya nina Melai. Nakakahiya man, humingi ako ng kaunti kay Tina. Tumigil muna ang dyipni sa isang sari-saring tindahan upang makabili kami ng aming kakailanganin habang namumundok. Bumaba rin ako upang magbaka-sakaling may mabibiling sunblock lotion. Hindi naging matagumpay ang aking paghahanap. Tulad ng ibang turista, bumili ako ng mineral water. Mauhawin kasi ako. Para sa akin, hindi tamang makiinom ng tubig sa iba. Hindi ito tulad ng sunblock lotion na madaling ibahagi.

Sumakay muli kaming lahat sa dalawang dyipning nakalaan para sa aming mga dayo. Umusad kami ng ilang sandali pa. Habang wala pa kami sa destinasyon, tinanong ko ang katabi kong boluntaryo ukol sa ginagamit nilang dialekto. Iba-iba raw ang dialekto nilang mga boluntaryo pero nagkakaintindihan silang lahat sa Tagalog. Si Nilo, aking natuklasan, ay tubong Batangas.

Tumigil kami sa wakas. Natatanaw ko ang tatlong lusong at halo na halinhinang binabayo ng mga kalalakihang naka-bayag. Ang mga kababaihan nama’y nasa isang gilid, hinahanda ang mga kakaning nagmula sa mga bigas na binayo ng mga kalalakihan. Wala bang babaeng nagbabayo?, tanong ko sa sarili. Lahat kami ay lumapit sa kanila at nagkuha ng litrato. Nang ako’y matapos, naramdaman kong tinabihan ako ni Nilo at ipinaliwanag na, dahil sa kapistahan ng pag-aani, hindi apektado ang mga magsasaka kung tumatapon man ang bigas sa lupa. Galante ang lahat sa ganitong pagkakaraon.



Tila hindi pa rin tapos ang ibang kalahok sa pagkuha ng litrato. Sina Melai naman ay tumikim ng rice cakes na niluto ng mga kababaihan. Nagkuha lamang ako ng litrato. Gusto ko mang tikman, masyadong mataas ang blood sugar ko nang nakaraan. May diabetes kasi ang aking ina kaya binabantayan ko ang pagkain ng matatamis. Likas pa mandin ang hilig ko sa matatamis.

Binaling ko ang atensyon sa nagaganap na pagbabayo upang pigilan ang sariling bumigay sa tukso. Ang mga turista na ang mga nagbabayo, partikular ang mga kaibigan ni Cricket. Medyo nag-aalaskahan sila sapagkat hindi makakuha ng tiyempo ang isa. Maya-maya’y si Melai naman ang nagtangkang magbayo. Pinanonood ko sila nang matanaw si Nilo na may kaakbay na bata. Pinakilala niya ito bilang kanyang panganay.

Ilang sandali pa’y nag-umpisa na ang pagbaba namin sa palayan. Nagkasabay kami ni Tina sa pagkakataong ito, nagtaka siya kung bakit hindi ko tinikman ang mga luto ng kababaihan. Ipinaliwanag ko naman kung bakit. Napansin kong nakasaad sa pisara ng Samahang Pangkababaihan (Women’s League) na nagpahiwatig ng kanilang hangarin para sa pagpapabawal ng alkohol. Tinuro ko ito sa kanya. Hindi ko naman maunawaan kung bakit, batid kong mahalaga sa kanilang kultura ang pag-inom. Malamang panandalian lamang ito.

Tumigil muli kami upang bisitahin ang isangdaang-taong-gulang na balo ng isang Amerikanong beterano. Muli, nagkagulo kaming kunan siya ng litrato. Nakaupo lamang siya sa sahig at may tila rehas na gawa sa kahoy na nakalagay sa kanyang pintuan. Ang huling beses na nakakita ako ng ganoon? Noong batang-batang pa ang bunso kong kapatid upang pigilan siyang gumapang palabas ng bahay. Hindi naman siya pasalita at hindi naman siya tumututol sa mga flash ng kamera. Nakikipagkwentuhan na ako sa ibang boluntaryo pero hindi pa rin tapos ang iba. Nagloloko na rin kasi ang baterya ng aking kamera.



Nagpatuloy kami sa pagbaba. Nawalan na nang tuluyan ang aking kaba sapagkat hindi naman paakyat ang aming paglalakad. Hindi naman ako ang pinakahuli. Minsan ay tumitigil ako upang magkuha ng litrato. Dito ko naramdaman uli ang benepisyo ng pag-iisa. Hindi ako nagpapatinag kung ano ang gusto kong gawin at kung gaano katagal ko itong gustong gawin. Mag-isa akong naglalakad. Kapag may nakakasabay, edi nakikipagkwentuhan nang bahagya.

Nang makita ko ang dumadaloy na tubig sa ilalim ng tulay, nakaramdam ako ng saya. Makinang ito sa ilalim ng araw. Parang gusto kong maghilamos. Bigla akong naalala ang aking mga kaibigan. Malamang maiibigan rin nila ito.

Muli kaming nagkasabay ni Tina. Siya pa ang nakarinig na nagri-ring ang aking cellphone. May mensahe ako mula kay Archie, ang dating nobyo ni Hera, aking kaibigan sa opisina, inaalam niya kung magkasama kami. Tumugon naman akong kasalukuyan akong nasa Ifugao. Nagtanong pa uli siya kung alam ko ang numero ng isa pang kaibigan ni Hera. Hindi na ako tumugon uli dahil hindi ko alam at paubos na ang aking baterya. Bukod pa rito, wala akong balak makisangkot kung ano na naman ang kanilang hidwaan. Nagpadala ako ng mensahe kay Hera ukol dito at nakiusap na ayoko ng istorbo. Nakunsumi na ako nang tumawag na si Archie. Nasa Ifugao ako! Bakit may gumagambala sa akin? Pinatay ko na ang aking telepono. Wala akong pakialam kung isipin niya pang pino-protektahan ko ang aking kaibigan. Sumang-ayon si Tina na mainam nga ang gayon.

Nang tumigil si Tina upang magkuha ng litrato, nagpatuloy na ako sa aking paglalakad. Namataan ko si Jena na ilang dipa ang agwat sa akin. Ang babaeng mailap (ang photographer, sa aking estima, na katabi nina Melai kanina sa dyipni) nama’y humaharurot kaya nagbigay-daan ako.

Ilang sandali pa’y bigla akong nadulas at napaupo sa lupa. Bigla akong tumayo sa aking kinasadlakan bago ko pa makuhang magsabi ng “Aray!”. Nagulat rin ako sa bilis kong bumangon. Kilala ko ang sarili ko. Kalimitan ay humihingi muna ako ng saklolo. O magrereklamo kung gaano kasakit ang aking sinapit. Anuman ang mauna. Nang sandaling iyon, wala akong ibang naisip bukod sa pagtayo o nakaramdam man ng pagkahiya. Napansin kong natigilan pala at lumingon sina Jena at ang babaeng mailap. Nabasa ko ang pagmamalasakit kay Jenna. Nanatiling blangko ang mukha ng isa. Ngumiti at tinaas ko ang aking hinlalaki para kay Jena. Nagpatuloy na sila pareho sa kanilang paglalakad.

Natuwa naman ako sa aking naging reaksyon sa naganap. Umusbong ang respeto sa sarili at nakaramdam ng tiwalang kakayanin ko anuman ang aking sapitin sa Ifugao. Maliit lamang ito kung tutuusin pero lumaki talaga ang kumpiyansa ko sa sarili, maging sa mga suliraning panandalian kong tinakasan. Hindi ko talaga mapawi ang ngiti sa aking mga labi. Kahit nang inabutan na ako ni Tina at napansing may dumi ang aking puwitan, nakangiti lamang akong inamin na ako’y nadulas. Tulad ni Jenna, nag-alala siya sa akin. Sabi ko wala iyon. Biniro niya akong nanghinayang siyang hindi ito nasaksihan, edi sana nakunan niya ako ng litrato. Maya-maya’s muntik naman akong madulas pero tinawanan ko na lamang ito.

Tumigil kami muli upang magpahinga. Binigyan kami ng isang baso ng rice wine. Nagpaunlak naman ako. Muli, may lusong at halo na binabayo naman ng dalawang babae. Natuwa ako sa aking nasilayan at nagkuha muli ng litrato. Nang matapos ako, nakita kong nag-uusap sina Melai at ang mailap na babae ukol sa kamera ng huli. Nakikipag-usap pala ito.

Si Ivana naman ang aking nakasabay nang umusad na kami muli. May nakilala siyang manunulat sa taas kanina at binigyan siya ng sipi ng kanyang aklat. Natuwa naman ako para sa kanya. Subalit hindi raw siya sigurado kung magagamit niya ito sa kanyang pananaliksik. Hindi naman iyon problema, tugon ko, mas mainam na ang masyadong maraming impormasyon kesa kulang. Hindi man magamit para sa pag-aaral, pwede naman itong idagdag sa koleksyon ng mga aklat. Hindi na masama, lalo na kung libre naman. Sumang-ayon na rin siya.

Dinala nila kami sa isang tahanan upang kumain muli. May handang kamote at rice wine sa lamesa para sa aming lahat. Tumutugtog naman ng katutubong gitara ang isang matanda. Nakabihis siya ng kanilang katutubong kasuotan. Ayon kay Nilo, ang matandang ito na lamang ang marunong gumamit nito. Nakakalungkot kung iisipin, wala nang magpapatuloy nito. Muli siyang pinagkaguluhan ng mga kalahok upang makunan ng litrato. Makikisali sana ako pero hinintay ko na silang mabawasan. Dahil masikip, pasamantalang pinatigil ang matanda sa pagtugtog upang bumaba sa hagdan. Mas may espasyo kasi sa baba. Nahirapan siyang bumaba sapagkat halos hindi magkamayaw ang iba sa pagkuha ng litrato kahit na narinig nilang bababa na siya. Umupo ako sa isang mahabang bangko habang naghihintay sa aking pagkakataon. Hinimok naman ako ng isang lider na tikman ang kanilang handa. Ang kamote raw ang kanilang pandesal. Hindi naman ako mahirap kausapin, kumuha ako ng isa. Inalok niya rin ako ng rice wine. Tumanggi ako sapagkat nakainom na ako kanina. Pinabulaanan niyang nakakalasing ito. Hindi raw tumatalab ang bisa nito kung may kinakain. Binigyan niya ako ng biniyak na kawayan bilang baso at nilagyan ng rice wine. Sinigurado kong sumusubo ako ng kamote bago uminom. Nag-aalok rin sila ng kape, nilalagay nila ito sa biniyak na bao ng niyog.



Bilang isang sentimental na basurera, nais kong mag-uwi ng biniyak na kawayan. Berdeng-berde pa ito, halatang bagong biyak. (Sa kasalukuyan, manilaw-nilaw na ito) Ganoon rin pala ang iniisip ng isang kaibigan ni Cricket. Nagpakilala siya sa akin at nakipagkamay. Pero nalimutan ko na ang kanyang pangalan. Nagpaalam naman ako kay Nilo kung maaari. Pinaalala niya sa akin ang sinabi niyang mapagbigay ang mga taga-roon kapag panahon ng ani. Kumuha ako ng isang kawayan. Kumuha naman ng tatlo at dalawang bao ng niyog ang kaibigan ni Cricket. Kaya naman dinamihan ko na rin ang kuha.

Maya maya, ipinapakita na sa amin ang seremonyas ng paggawa ng rice wine, tampok pa rin ang matandang lalaking tumugtog kanina. Nasaksihan kong sinala nila ang mapula-pulang bigas na matagal pala nilang inimbak bago ito naging rice wine. Muli, nag-agawan na naman kaming mga kalahok sa espasyo upang makunan ito ng litrato.



Mas naging mapanghamon ang daan pababa mula sa tahanang iyon. Nakita kong natigilan si Ivana bago umusad. Hawak-hawak niya kasi ang iuuwi niyang basong gawa sa kawayan. Sling bag lamang ang kanyang dala. Duda akong kakasya pa ang mga ito, puno na ito ng kwaderno at aklat. Upang makababa, kailangang libre ang parehong kamay upang makakapit sa mga puno. Inalok kong itago muna sa aking backpack ang kanyang mga baso. Nahiya naman siya, baka raw di na kasya. Binuksan ko ito upang makita niyang marami pang espasyo. Pumayag rin siya sa wakas.

Sabay na kami sa paglalakad simula noon. Magkasama kaming tumunghay sa isang pamilya ng itik-itik sa putikan. Hindi ko naman maipaliwanag sa kanya kung ano ang itik-itik. Lumisan na kami nang nagdatingan na ang mga kaibigan ni Cricket. Nagkuha rin sila ng litrato ng mga ito.

Ika-labing-isa na nang umaga nang dumating kami sa katapusan ng tour nang umagang iyon sa Nagacadan. May isang sementadong espasyo na may malaking bubong sa gitna ng kanilang pamayanan. Sa aking estimasyon, dito ginaganap ang kanilang mga pagpupulong. May hinanda palang programa para sa amin ang mga taga-roon. May isang grupo ng babae na umawit sa kanilang dialekto ngunit nagtapos sa Ingles. Bumalik ang matandang lalaking tumugtog kanina upang tumugtog uli ng iba namang instrumento na kawangis ng harmonika.

Maya maya’y nilapitan ako ni Nilo at dinala sa tirahan ng kanyang kaibigan. Aalis na kasi ako nang tanghali upang pumunta sa Mongayong para sa river rafting. Sa mga kalahok, ako ang mauunang mananghalian. Napakaraming kaldero at pagkain ang tumambad sa aking paningin! Puro gulay ang mga ito. Kulay maroon naman ang kanin. Sinabayan na rin ako ni Nilo. Doon ko napag-alamang taga-NGO pala siya dati at naatasan siyang sa Ifugao manilbihan. Doon na niya nakilala ang kanyang napangasawa at tumira. Matagal-tagal na rin daw siyang hindi nakakababa sa Batangas. Hinimok niya rin akong mag-NGO pag natapos ko na ang aking kurso. Hindi naman ito malayong mangyari dahil naiibigan kong magbiyahe, maglingkod sa kapwa Pilipino at nais ko talagang palawakin ang aking kaalaman.

Bumalik na ako sa programa nang ako’y mabusog. Lalapitan na lang daw uli ako ni Nilo kapag oras na upang tumulak sa Mongayong. Sa aking pagbabalik, nakita kong bakante ang upuan sa tabi ni Ivana. Tinabihan ko siya at binalik ang kanyang mga basong kawayan. Papaalis na kasi ako. Abala siya sa pagtatala ng kanyang obserbasyon kaya hindi ko na muna kinausap. Hindi nagtagal ay binahagi niya ang kanyang tuwa sa pagtanggap sa kanya ng mga taga-roon. Batid kong handa silang tumulong sa kanyang pananaliksik, dagdag ko. Dahil sa aking napipintong paglisan, naglakas-loob na akong itanong ang tungkol sa kanyang piercing. Nagbabalak kasi akong ipa-pierce ang aking dila. Nilinaw naman niyang hindi ito sa gilagid, kundi sa lipweb. Walang kimi niyang pinisil ang kanyang pantaas na labi at pinasilip sa akin ang kanyang piercing. Malambot lamang daw ang balat dito kaya hindi siya nasaktan. Mas masakit pa raw sa dila. Nagkwento akong nagpa-oral surgeries ako bilang paghahanda rito. Wala nang mas sasakit pa raw roon. Para sa akin, handa na akong masaktan uli.

Tinawag ang bagong gobernador upang magtalumpati. Nagpasalamat siya sa aming mga kalahok at nakiusap na ikalat ang balita ukol sa kanilang heritage tourism. Nang nagsayaw na ang mga kalalakihang naka-bayag, sumali rin si Gob. Baguilat. Nagulat naman ako ng, pagkatapos ng programa, lumapit sa akin si Gob. Baguilat upang magpasalamat. Natuwa raw siyang tumuloy ako.

Nang panahon na upang umalis, nagpaalam na ako sa mga kapwa kalahok. Tumulak na kami ni Nilo sa isa na namang yugto ng paglalakad pababa. Salamat kay Nilo, nagkaroon ako ng litrato mag-isa na may tanawin ng hagdan-hagdang palayan. Tumawag si Nilo ng traysikel na maghahatid sa amin sa kanilang opisina. Malubak ang daan at medyo matagal ang biyahe. Pagbalik sa opisina, binigay niya sa akin ang souvenir t-shirt at inayos ko na ang aking mga gamit. Wala kaming inaksayang oras upang magtungo sa kabilang ibayo ng Ifugao.



Dumating kami roon ng bandang kalahati ng ika-isa ng hapon. Ako sana ang magbabayad ng traysikel subalit inawat ako ni Nilo. Malaki na raw ang ginastos ko sa pagsadya sa Ifugao, siya na raw ang bahala. Mapilit siya kaya nagpaubaya naman ako. Dahil maaga pa nang dumating kami, pinakilala niya ako sa mag-asawang manggagamot na nagpapatakbo ng resort at tumambay muna kami kasama sina Anton at Argel, ang may-ari at operator ng river rafting roon. Sa katunayan, sa Tuguegarao sila nakabase. Sa Maynila naman ang huli. Umaakyat lamang siya kapag Sabado para sa raket na ito. Nagtungo sila rito sa Ifugao sapagkat pinatawag sila ni Doc sapagkat may mga bisita siyang gustong mag-river rafting. Kasama na ako roon. Nakilala ko rin si Jun, isang tauhan nina Doc na Ifugao. Habang nagbibigay ng payo si Argel kay Nilo ukol sa mga taktika upang mapagyaman ang kanilang turismo, tinanong ko naman si Jun ukol sa kanyang pango, isang katutubong kwintas na hindi nila maaaring hubarin kapag nasuot na nila. Bata pa lamang siya nang sinuot niya ito. Mayroon din siyang kakaibang Bulul sapagkat medyo nakatungo at may hawak itong ulo. Paalis-alis nga lamang siya para asikasuhin ang mga utos ni Doc.



Bago mag-ika-dalawa ng hapon, nagpalit na ako sa aking panligo. Iiwan ko kasi sa resort ang aking mga gamit. Nang aalis na kami, nagpaalam na ako kay Nilo. Iyon pala’y hihintayin niya akong makabalik mula sa ilog. Tunay na napakamabait ni Nilo. Ilang beses naming siyang pinilit sumama sa amin pero sukdulan raw ang takot niya sa tubig. Inamin kong ako rin naman pero kailangang harapin ang mga ito.

Umambon na bago pa kami makasakay sa dyipning magdadala sa amin sa Tulay ng Mongayan. Kasama ko ang mag-asawang manggagamot, ang kanilang dalawang anak (isang binata at isang patapos na ng elementarya), kanilang kasama sa ospital na sina Marissa at Johann (na nakababatang kapatid pala ni Gob. Baguilat) at si Jun. Hindi sasama ang huli sa mismong river rafting. Pakiwari ko’y para lamang itong family outing at isa akong bisita.

Halos isang oras din ang biyahe. Natuklasan kong taga-Cavite rin pala si Doc. Tubong Cavite City siya pero may mga kamag-anak siya sa Digman. Ito ang tanyag na lugar sa Bacoor na dinadayo pa dahil sa kanilang halo-halo. Hindi nagkamali si Doc nang hulaan niyang doon kami tumatambay ng mga kaklase pagkatapos ng klase. Si Doktora nama’y sa Ifugao na ipinanganak pero ang kanyang ina’y taga-Aniban, ang baranggay na nasa bukana namin. Ang liit talaga ng mundo! Napakabait nila sa akin, pakiramdam ko’y isa akong kapitbahay na kakabalik lamang mula sa isang mahabang bakasyon.

Nang dumating na kami sa tulay, halos bagyo na ang lakas ng ulan! Ayon kay Anton, ang bilis ng ilog ay nasa level 1-2 lamang at, dahil sa lakas ng ulan, naging 2-3 na. Isang oras rin ang aabutin ng aming pakikibaka sa bayolenteng tubig mula sa Mongayong hanggang Ibulao. Napasigaw ako sa sabik. Ito na ‘yun!

Kahit giniginaw kami sa lamig sa lakas ng ulan, nakinig kaming maiigi sa mga turo ni Argel ukol sa pagpa-paddle at kung anong gagawin kung sakaling matilapon kami sa ilog. Hinati nila kami sa dalawang grupo. Ang unang grupo ay kinabibilangan ni Doc at ang kanyang dalawang anak. Kasama ko naman sina Doktora, Johann at Marissa. Binigyan na kami ng helmet, lifevest at paddle. Tumakbo na si Anton upang kunan kami ng video.

Naging makapigil-hininga ang lahat! Mabilis at kadalasa’y malakas ang hampas ng tubig. Kapag nangyayari iyon, lalo kong ipinapasok ang paa ko sa loob ng raft. Nakakatakot ring makita kapag ang taas-taas ng tubig sa aming harapan. Sadyang sa hiyaw na lamang namin nilalabas ang aming tensyon. May pagkakataon pang nasadlak kami sa isang malaking bato at hindi kami makausad. Pinaliguan naman kami sa kantyaw ng kabilang grupo. Tinakot pa ako ni Doc, “Hala! Di ka na makakauwi ng Bacoor!” Naramdaman din naming tila sinasadya ni Argel na itapon kami sa tubig pero kumapit talaga kami. May pagkakataon namang kalmado ang tubig at, kapag gayon, pinagtatama namin ang aming mga paddle tila nagha-high five kami o ginagaya ang takot na takot na reaksyon ni Johann. Sobrang saya, wala kaming ginawa kundi sumigaw o tumawa.

Nakaramdam naman ako ng kalungkutan nang matanaw na ang tulay sa Ibulao. Ibig sabihin kasi nito’y tapos na ang lahat. Hindi ako agad nakatayo sapagkat nasobrahan marahil ng pagkakaipit ang aking paa.

Malapit na sa tirahan ng mag-asawa ang tulay. Natuwa ako nang makita si Nilo, tanaw niya raw ang lahat ng aksyon mula sa taas. Tumuloy kami sa kanilang tirahan uli. Pinakain ako ng mag-asawa ng merienda. Naka-dalawang balik ako sa baked macaroni at sa iced tea. Akala ko’y sisingilin ako tulad ng binanggit sa akin ni Nilo bago kami makarating doon pero hindi na. Agad namang lumisan sina Johann at Marissa upang bumalik sa ospital. Matapos nito, binigyan rin nila ako ng isang bote ng serbesa at libre na rin ang hapunan bago kami tumulak ni Argel pauwi ng Maynila. Sobrang bait talaga ng mag-asawa.

Tignan ang mga larawan dito.

No comments: